Poster courtesy of IMDb © Star Cinema |
★★★★★★★ ☆☆☆
Starring: Judy Ann Santos, Angelica Panganiban
Genre: Comedy
Runtime: 1 hour, 44 minutes
Director: Jun Lana
Writer: Jun Lana
Production: Quantum Films, Star Cinema, The IdeaFirst Company
Country: Philippines
Nito lang nakaraan ay unti-unting napapansin ni Lianne Reyes (Judy Ann Santos) ang pagiging malamig sa kaniya ng asawang si Gary (Joross Gamboa). Sa pagdududang mayroon itong ibang babae ay sinubukang ayusin ni Lianne ang sarili at nagpalagay ng boobs upang maibalik ang dating init ng kanilang pagsasama.
Subalit sa pagbabagong ito ni Lianne ay dito niya malalaman ang katotohanan mula sa asawa na mayroon na itong ibang mahal at iiwan na siya nito para sundin ang tunay na itinitibok ng kaniyang puso.
Sa kabilang banda, maayos at tahimik naman ang pagsasama nila Cindy Reyes (Angelica Panganiban) at Felix (JC de Vera). Ngunit sa kanilang relasyon, si Cindy lang ang gumagawa ng effort upang magkaroon ng spark ang kanilang pag-iibigan. Nang matanggap na ni Cindy ang inaasam nito mula sa asawa ay doon naman siya biglang iniwan ni Felix.
Sa isang pambihirang pagkakataon ay magsasama ang mga iniwan. Makakabuo ng pagkakaibigan sina Lianne at Cindy at gagawa sila ng misyong sirain ang buhay pag-ibig ng kanilang mga asawa upang hindi lang sila ang nasasaktan.
Si Santos ang umako sa pelikula, siya ang nagdala, siya ang nagbuhat. Ang ganda ng mga banat niya, nakakatawa dahil maganda ang timing niya sa pagbibigay ng punchline. Bukod sa pagpapatawa, mahusay din ang naging transition nito mula sa comedy papuntang drama. Naipakita niya sa pelikulang ito ang kaniyang versatility.
Dahil si Santos ang mas shine sa palabas, na-overshadow niya dito si Panganiban na nagmistulang supporting cast. Nakakasabay naman siya pagdating sa pagpapatawa ngunit kapag ipinasok na ang drama ay parang nagpapatawa pa rin siya. Hindi naman sa hindi siya marunong umarte pero hindi mo dama ang emosyon na kaniyang ipinapakita 'di tulad ng kay Santos.
Pagdating sa kuwento, maganda siya, nakaka-aliw at hindi mo alam kung kanino ka papanig. Sa dalawang taong sumusunod sa itinitibok ng kanilang damdamin o sa dalawang taong pinagtaksilan. Ang hindi ko lang siguro nagustuhan sa naging flow ng istorya ay kung papaano nila ini-antagonize ang karakter ni Santos. Kaya mas lalo akong kumampi kay Lianne dahil siya ang nasaktan at may karapatan siyang gawin ang ginawa niya.
Naipakita ng pelikula ang complexity ng LGBTQA+ na bukod sa mahabang pangalan ay mayroon pa itong mas malalim at mas mahirap na kuwento pagdating sa sekswalidad ng isang tao. Isang feel-good movie na napapanahon dahil sa lumalaking isyu ng kasarian sa bansa.
No comments:
Post a Comment