Poster courtesy of Internet Movie Database © Viva Films |
8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆
Starring: Dingdong Dantes, Anne Curtis
Genre: Drama, Romance
Runtime: 1 hour, 34 minutes
Director: Irene Villamor
Writer: Irene Villamor
Production: Viva Films, N² Productions
Country: Philippines
Si Sid (Dingdong Dantes) ang tipo ng taong matuturing na nasa kaniya na ang lahat. Matipuno, mayaman, may maayos na trabaho at magandang kasintahan. Ngunit sa kabila ng kaniyang karangyaan ay may mga bagay pa rin na hindi nagpapatulog sa kaniya sa gabi-gabi.
Dahil sa pagiging insomniac ay laging tambay ng isang cafe si Sid kung saan nito makikilala ang dalagang si Aya (Anne Curtis) na waitress sa naturang lugar.
Sa kawalan ng kaibigang makakausap ay babayaran ni Sid ang oras ni Aya upang samahan siya sa buong gabi. Dahil nangangailangan naman ng pera ay pumayag naman si Aya sa kundisyon na walang pagtatalik na magaganap. Tumagal ang set-up nilang ito ng ilang araw hanggang sa makabuo ng pagkakaibigan ang dalawa.
Ngunit sa tagal ng pagsasama nila ay unti-unting makakabuo ng hindi inaasahang pag-ibig sina Sid at Aya sa isa't-isa, ang problema ay mayroong kasintahan si Sid at si Aya ay nakatakda nang pumunta sa Japan upang samahan ang kaniyang ina.
It is a love story. Hindi nga lang ito ang tipikal na Pinoy romance movie na paulit-ulit ang formula upang makahugot ng mga manonood. Ang ganda ng build-up nila sa chemistry nila Dantes at Curtis. Yung tipong parang hindi bagay sa simula pero nang lapatan na ng kuwento ang kanilang karakter ay unti-unti silang makakabuo ng spark.
Ang magkaibang personalidad nila Sid at Aya ang isa sa mga naging dahilan kung bakit umaapaw ng kilig ang team-up ng dalawa. Makikita mo mismo sa screen ang pagkakabuo ng kanilang kakaibang relasyon. Natural ang kilig na mararamdaman mo at hindi pilit.
Ang pinakanagustuhan ko sa lahat ay ang dahan-dahang pagbabalat sa kuwento at ugali ng mga bida. Pang-masa ang pagkakasulat kay Aya kaya agad mo siyang mamahalin. Samantalang high profile naman si Sid na puno ng inner demons na siyang aabangan mong magkaroon ng happy ending.
Pagkatapos ipakilala ang conflict ng pelikula ay umasa ako na ipapaalam pa nila ang mas malalim na pakikibaka ng dalawang bida sa kanilang buhay ngunit hanggang doon na lang ang kanilang ipinakita. Iyon lang ang kakulangan ng palabas. Maganda ang pagpapakilala at pagbuo sa kanila pero wala na akong natanggap pa na ibang kuwento sa likod ng kanilang buhay kung bakit nagsimula sila sa ganoong estado.
Nakakatuwa pero masakit at madrama ang naging kuwento nila Sid at Aya. Hahaluan pa ng magandang theme song at ilang soundtrack na pang-coming of age ang dating at hindi bagay sa tema pero ayos na rin. Maganda ang cinematography, maganda ang storytelling, maganda ang pagkakasulat, magaling ang cast lalo na si Curtis. In short, maganda ang buong pelikula.
No comments:
Post a Comment