Search a Movie

Tuesday, November 5, 2019

Otlum (2018)

Poster courtesy of Internet Movie Database
© Horseshoe Studios
5 stars of 10
★★★★★ ☆☆☆☆☆

Starring: Jerome Ponce, Ricci Rivero, Buboy Villar
Genre: Horror
Runtime: 1 hour, 30 minutes

Director: Joven Tan
Writer: Joven Tan
Production: Horseshoe Studios
Country: Philippines


Dahil sa kakulangan ng atensyon na natatanggap mula sa sariling pamilya kung kaya't nais ng binatang si Fred (Buboy Villar) na mapasama sa isang grupo upang magkaroon ng maituturing na kaibigan. 

Kaya naman nang makilala niya ang grupo nila Allan (Jerome Ponce), Dindo (Ricci Rivero), Verna (Michelle Vito), Erwin (Vitto Marquez) at Caloy (Danzel Fernandez) ay nagsubok siyang sumali sa kanilang samahan. Malayo si Fred sa tipo nila Allan na mayaman, spoiled, may hitsura at matataas ang tingin sa sarili, pero gayunpaman ay nakaisip si Allan upang pagdiskitahan ang binata.

Pumayag si Allan na tanggapin si Fred sa grupo sa kundisyon na sasailalim siya sa isang initiation. Dahil desperado ay pumayag naman si Fred. Nagtungo sila sa isang abandonadong bahay-ampunan na kilala bilang pinamumugaran ng mga multo at ang hamon kay Fred ay ang manatili siya dito ng isang gabi. Sa hamon na ito na malalagay sa peligro ang buhay ni Fred nang magsimula nitong makita ang mga 'otlum.'

Una sa lahat, napaka-corny ng title bilang isang seryosong horror flick. Unang dinig ay aakalain mong isa itong horror-comedy ala Scary Movie (2000). Corny din na may initiation para makasali sa kanilang barkada. Hindi ko alam kung hindi na nakapag-isip pa ng ibang paraan si Joven Tan upang makapasok si Fred sa haunted house at kamuhian ang grupo nila Allan, basta ang alam ko lang ay mababaw ang napili niyang istorya.

Pagdating sa dulo ay nagkalituhan na kung sino ba talaga ang tunay na multo. Biglang pumasok ang mga twists na mas lalong nagbukas ng butas sa kuwento. Out of place rin ang pagpasok ng narration para lang makapagbigay ng exposition. Tila ba minadali na itong tapusin upang makahabol sa Metro Manila Film Festival.

Maliban sa mga exaggerated jump scares at Final Destination (2000)-inspired na death scenes ay wala nang nakakatakot pa sa palabas. Sa katunayan nga ay na-overshadow ng pagiging dramatic ng istorya ang horror elements ng palabas. Kung iisipin ay mukhang mas maganda pa yata kung naging drama na lang ito tungkol sa bullying at depresyon na siyang dinanas ng bida.

Sa kabilang banda, napahanga naman ako ni Tan sa maganda nitong cinematography. Maganda ang mga shots nito, gloomy at depressing na bagay sa nararamdaman ng bida. Magaling din si Villar, sa tingin ko ay siya ang nag-stand out sa pelikula kahit hindi sa kaniya ang billing. Gayun din naman si Ponce na iinisin ka, at kapag nainis ka sa kontrabida ay isa lang ang ibig sabihin nito - effective siya.

Pagdating sa mga supporting characters, wala na akong ibang maalala sa kanila bilang forgettable naman ang kanilang karakter maliban sa pagiging bano nilang umarte. Hindi pa sila marunong makipag-batuhan ng linya at halata ang pagiging baguhan. Lalo silang nahirapan sa pagpapakita ng takot dahil parang silang nagre-react sa kawalan. Hindi ka madadala sa pinagdadaanan nilang nakakakilabot, isang rason kung bakit ko nasabing hindi nakakatakot ang pelikula.


No comments:

Post a Comment