Search a Movie

Tuesday, January 12, 2021

Four Weddings and a Funeral (1994)

7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Hugh Grant, Andie MacDowell
Genre: Comedy, Drama, Romance
Runtime: 1 hour, 57 minutes

Director: Mike Newell
Writer: Richard Curtis
Production: PolyGram Filmed Entertainment, Channel Four Films, Working Title Films
Country: United Kindom


Magsisimula ang pelikula sa isang kasalan na dadaluhan ni Charles (Hugh Grant) kasama ang mga kaibigan niyang sina Scarlett (Charlotte Coleman), Fiona (Kristin Scott Thomas) at kapatid nitong si Tom (James Fleet), Gareth (Simon Callow) at nobyo nitong si Matthew (John Hannah), at ang sariling kapatid na may hearing disability na si David (David Bower).

Sa okasyong ito unang makikita ni Charles ang Amerikanang si Carrie (Andie MacDowell) kung kanino siya agad na-love at first sight. Sa ikalawang kasalan na dadaluhan ng kanilang grupo ay muling magkikita sina Charles at Carrie ngunit sa pagkakataong ito ay kasama na ng dalaga ang fiance nito. Dito na mapagtatanto ni Charles na tunay na pag-ibig na talaga ang nararamdaman niya kay Carrie. Ang problema, ang ikatlong kasal na kanilang dadaluhan ay mismong kasal na ni Carrie.

Ang Four Weddings and a Funeral ay kuwento ng pagkakaibigan at pag-ibig. Ang nagustuhan ko sa pelikula ay bagamat hindi na nila ipinakita kung papaano nabuo ang pagkakaibigan ng grupo ay madadama mo naman ang tibay ng kanilang pagsasama sa pamamagitan ng metikulosong pagkakasulat sa bawat character. Mayroon silang sariling distinction na kahit marami kang karakter na susubaybayan at kaunti lang ang screen time ng iba dahil supporting characters lang sila ay mararamdaman mong mayroon din silang sariling kuwento at sariling personalidad.

Pagdating sa love angle, parehong good looking ang dalawang bida, pero hindi ko alam kung bakit hindi ko sila makitaan ng chemistry. Marahil ay maraming hindi aayon sa aking opinyon pero para sa akin ay hindi ko nadama ang pag-iibigan ng dalawa. Dahil siguro mailap ang bidang babae pero kahit ganoon pa man ay wala akong nadama na spark sa pagitan nila kaya hindi ko rin gaanong ramdam ang naging goal ng bidang lalaki.

Overall ay mayroong magandang kuwento ang palabas. Mas mangingibabaw dito ang pagkakaibigan na palaging aalalay sa iyo sa bawat desisyon at problemang iyong kahaharapin. Susundan ito ng pag-ibig na makakamtan mo kapag nagpursigi ka at naghintay sa tamang panahon. Maganda ang naging adventure ng buong characters, unpredictable ang kuwento at maganda rin ang mga patawa nito.



Poster courtesy of Amazon.


No comments:

Post a Comment