★★★★★★ ☆☆☆☆
Starring: Elisabeth Moss, Aldis Hodge, Michael Dorman
Genre: Horror, Mystery, Sci-Fi, Thriller
Runtime: 2 hours, 4 minutes
Director: Leigh Whannell
Writer: Leigh Whannell, H.G. Wells (characters)
Production: Universal Pictures, Blumhouse Productions, Goalpost Pictures
Country: Australia, USA
Ang gusto lang naman ng dalagang si Cecilia Kass (Elisabeth Moss) ay ang makatakas mula sa abusado nitong boyfriend na si Adrian Griffin (Oliver Jackson-Cohen), isang optics engineer. At nang mangyari ang kaniyang hiling ay hindi pa rin siya tinatanan nito. Tinaguan ni Cecilia ang kaniyang kalayaan sa takot na mahanap siya ng dating kasintahan hanggang sa dumating ang araw nang lumabas ang balitang patay na ang businessman na si Adrian.
Dito lang buong natanggap ni Cecilia ang kaniyang kalayaan. Nagsimula siyang mamuhay ng masaya at malayo sa pang-aabuso. Subalit hindi ito magtatagal dahil sa pagbabalik ni Adrian, walang mukha, walang katawan, hindi nakikita. Sa ikalawang pagkakataon ay muling sisirain ni Adrian ang buhay ni Cecilia, ngunit sa pagkakataong ito ay si Cecilia lang ang nakakaalam nito.
Walang naniniwala sa bida, lahat gagawin niya para magmukhang kasuspe-suspetya, wala siyang kakampi kundi ang sarili lang niya. Ito ang mapapanood mo sa The Invisible Man. Ibig sabihin ay maiinis ka lang dahil tila ba walang kalaban-laban ang bida. Okay lang sana kung independent at may pagka women empowerment ang dating niya pero hindi rin siya nag-iisip na mas lalong nakakafrustrate dahilan upang nakawin nito sa iyo ang enjoyment ng panonood ng isa sanang magandang thriller movie.
Simula pa lamang ay mahirap nang magustuhan ang bida. Tinakbuhan niya ang kaniyang abusive boyfriend pero nang namatay ito ay inako pa niya ang ari-arian ng kaniyang kapareha. Sa ginawa niyang ito ay nawalan na ako ng rason upang kampihan siya. Mahirap din magustuhan ang supporting characters na dapat ay susuporta sa bida. Madali lang silang napaniwala ng mga bagay na mapapatunayan naman sa pamamagitan ng CCTV.
Ang nagustuhan ko lang sa pelikula ay ilalabas nito ang takot mo sa mga bagay na hindi nakikita ng ating mga mata kaya pasado ito pagdating sa horror at thriller element nito. Nagustuhan ko rin na matapos isailalim sa nakaka-trauma na pangyayari ang bida ay nakamit pa rin nito ang karapat-dapat na paghihiganti. Nagtapos ang kuwento nito sa isang maganda at hindi inaasahang konklusyon. Hindi nga lang nabigyan ng masyadong eksplinasyon ang kapatid ni Adrian pero sa tingin ko'y iniwan ito ng mga writers para magbukas ng panibagong kuwento kung nanaisin man nilang gumawa ng sequel.
Poster courtesy of IMP Awards.
No comments:
Post a Comment