Search a Movie

Thursday, January 21, 2021

Summer of 85 (2020)

7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Félix Lefebvre, Benjamin Voisin
Genre: Drama, Romance
Runtime: 1 hour, 30 minutes

Director: François Ozon
Writer: François Ozon
Production: Mandarin Films, FOZ, France 2 Cinéma
Country: France, Belgium


Tumaob na bangka. Ito ang naging dahilan kung bakit nagkadaupang-palad ang mundo ng mga binatilyong sina Alexis Robin (Félix Lefebvre) at David Gorman (Benjamin Voisin). Sa kanilang pagtatagpo magsisimula ang isang malalim na pagkakaibigan, pagkakaibigan na mauuwi sa pag-iibigan. Subalit ang pagmamahalan na uusbong sa pagitan ng dalawa ay masusubok sa pagdating ng turistang si Kate (Philippine Velge).

Ang Summer of 85 ay kuwento ng pag-ibig na tatalakay sa tinatawag na "young love." Simple lang ang itatakbo ng istorya nito, tipikal na boy meets boy. Ang ikinaiba nga lang nito ay ang mga personalidad ng bida. Ang isa'y kuntento na sa kung ano ang estado ng relasyon nila, ang isa nama'y naghahanap pa ng bago, ng kakaiba, upang maipagpatuloy ang spark sa pagitan nilang dalawa. Makatotohanan ang mga karakter, makatotohanan ang kuwento, makatotohanan din ang conflict kaya hindi nalalayong marami ang makaka-relate sa istorya nila Alex at David.

Maganda ang naisip na istilo ng pelikula na gamitan ito ng dark undertone upang makuha ang atensyon ng manonood. Dinagdagan nila ito ng misteryo na papalibot sa storyline ng pelikula. Sa simula pa lang ay ibibigay na agad nila sa manonood kung ano ang kahihinatnan ng love story ng mga bida. Pero ang maganda dito ay aabangan mo pa rin kung paano ito nangyari at kung papaano narating ng bidang si Alex ang kinatatayuan niya sa kasalakuyan.

Ipapalala ng palabas (o sa mga single ay ipaparamdam) ang tamis ng unang pag-ibig at kasabay nito ay makikita mo rin ang hapdi ng bawat heartbreak. Nagustuhan ko kung paano tinahak ni Alex ang four stages of grief. Patutunayan ng pelikula na sa mundong ito, may mga taong dadaan lang sa ating buhay. Maraming mga katanungan na hindi na masasagot at pagsisising kailanman ay hindi na maitutuwid. Ang mahalaga, sa huli, ay kailangan pa rin nating ipagpatuloy ang buhay.

Maganda ang chemistry at maayos naman ang naging pagganap ng mga artistang bumida. Nagustuhan ko ang climax nito na sinabayan pa ng nakakagulat ng twist kahit na nagkaroon na ito ng foresahdowing at sa simula pa lang ay literal na binanggit na ito ng narrator. Magaling ang pagkakasulat sa mga bida at madali ka lang magi-invest ng emosyon sa kanila kaya hindi na nakapagtataka kung bibigat ang iyong dibdib matapos panoorin ang maikling kuwento  nila Alex, David at Kate.



Poster courtesy of IMDb.


No comments:

Post a Comment