★★★★★★ ☆☆☆☆
Starring: Gal Gadot, Chris Pine, Kristen Wiig, Pedro Pascal
Genre: Action, Fantasy
Runtime: 2 hours, 31 minutes
Director: Patty Jenkins
Writer: Patty Jenkins, Geoff Johns, Dave Callaham, William Moulton Marston (comics)
Production: Atlas Entertainment, DC Comics, DC Entertainment
Country: USA
Taong 1984, sa kalagitnaan ng cold war ay mag-isa at payapang namumuhay si Diana Prince (Gal Gadot) sa mundo ng mga tao. Dahil sa kaniyang pagiging imortal ay naging mailap siya sa mga tao. Palaging mapag-isa at umiiwas na makabuo ng mga bagong kaibigan, makikilala niya si Barbara Minerva (Kristen Wiig) na katulad nito ay nagtatrabaho rin sa Smithsonian Institution.
Madidiskubre ng dalawa ang isang hindi pangkaraniwang bato, ang dreamstone, na kayang ibigay ang hiling ng kung sino man ang may hawak dito. Hindi man naniniwala sa taglay na kapangyarihan ng bato ay humingi pa rin ng kaniya-kaniyang kahilingan sina Diana at Barbara. Ang hindi nila alam, ang mga hiling na ito ay magkakatotoo.
Nang mapasakamay ng paluging businessman na si Maxwell Lord (Pedro Pascal) ang dreamstone ay dito na magsisimula ang malaking dilema sa istorya. Matutuklasan nila Diana at Barbara ang kasaysayan ng naturang bato at ang totoo nitong katangian. Susubukang iligtas ni Diana bilang si Wonder Woman ang mundo ngunit ang kapalit nito ay kailangan niyang bawiin ang kaisa-isang niyang hiling na sa tagal ng pagkakataong kaniyang ninanais ay ngayon lang nagkatotoo.
Ang una mong mapapansin sa pelikula ay ang CGI. Maayos, maganda pero hindi masyadong pulido. May ilang kapansin-pansin ang pagiging peke nito pero mayroon din namang mga parteng nakakamangha. Gustung-gusto ko ang mga acrobatic stunts nila Wonder Woman at ni Cheetah pero sa totoo lang ay nabitin ako sa mga action scenes. Mangilan-ngilan lang ang bakbakan, maganda, astig at mapapa-wow ka pero 30% lang yata dito ang masasabi kong maaksyon at karamihan pa ay napanood ko na sa trailer.
Mas mahaba pa ang dramatic scenes ni Diana kumpara sa pagiging Wonder Woman nito. Inaasahan ko na sa mahigit dalawang oras na panonood ng pelikula ay makakasaksi ako ng magandang climax, 'yun pala ay isang cheesy-dramatic cliche ang mapapanood ko sa dulo na mayroon namang magandang aral na dulot pero hindi ito ang inaabangan ko sa pelikula.
Anti-climactic din ang naging final battle nila Wonder Woman at Cheetah na sobrang na-hype sa promotion ng pelikula kaya umasa tuloy ako. Literal na kung ano ang nakita mo sa trailer ay 'yun na iyon. Forgettable at walang wow factor.
Kung pag-uusapan naman natin ang istorya ng Wonder Woman 1984 ay maganda, sa totoo lang, ang naging konsepto nito. Ang problema nga lang ay madaming scenes na hindi naman necessary na siyang kumain sa oras ng palabas katulad na lang ng outfit changes ni Steve Trevor (Chris Pine) na maliban sa corny ay ginawa ito para lang sa punchline sa dulo. Masyado ring maraming coincidences (lazy writing) dito at babanggitin ko pa ba ang pagiging unfair ng patakaran ng dreamstone sa kung ano ang mawawala sa tao kapalit ng hiling nito?
Sa kabila ng lahat ng mga sinabi ko ay hindi naman lubusang nakakadismaya ang sequel ng Wonder Woman. Magagaling ang buong cast lalo na sina Gadot, Wiig at Pascal. Nagustuhan ko rin ang ginawa nilang contrast sa dalawang pelikula kung saan si Steve naman ngayon ang ignorante sa mundo na siyang pinagdaanan ni Diana sa unang pelikula. Maganda rin ang mga 80's detail na inilapat sa pelikula. Lumang-luma talaga ang vibe pati na rin ang costume ng bida.
Bilang pangkalahatan ay magugustuhan mo ang Wonder Woman 1984 kung hindi ka nagpadala sa hype at hindi mo itinaas ang standards mo matapos mong mapanood ang una nitong pelikula. Hindi ako fan ng ginawang humor dito na halos mag-ala Thor: Ragnarok (mababaw ang jokes) ang dating. Mabuti na lang at hindi ito dinala hanggang sa dulo. Medyo nawalan din ng chemistry sina Gadot at Pine. Hindi ko alam kung dahil sa pagkakasulat ng kanilang karakter o dahil sa totoong buhay pero hindi na ako kinilig sa kanila. Gayunpaman ay nandoon pa rin ang sakit, ang kirot sa katotohanang wala na sa mundo ang taong mahal nito.
Poster courtesy of IMP Awards.
No comments:
Post a Comment