Search a Movie

Tuesday, January 19, 2021

The Belko Experiment (2016)

8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆

Starring: John Gallagher Jr., Tony Goldwyn, Adria Arjona
Genre: Horror, Thriller
Runtime: 1 hour, 29 minutes

Director: Greg McLean
Writer: James Gunn
Production: Orion Pictures, Troll Court Entertainment, The Safran Company
Country: USA


Pagpasok pa lang sa trabaho ay napansin na agad ni Mike Miltch (John Gallagher Jr.) ang kakaibang kilos ng mga tao sa paligid ng Belko Industries kung saan siya nagtatrabaho. Maraming bagong security guards na hindi pamilyar sa kaniya at kapansin-pansin din na hindi nila pinapapasok ang mga Colombian staff, sa halip ay pinapauwi nila ang mga ito.

Ipinagsawalang-bahala lamang ni Mike ang pangyayaring ito at ipinagpatuloy ang pangaraw-araw na trabaho. Subalit mapapatotoo ang paghihinala nito nang isang hindi kilalang boses ang bumulabog sa buong building ng Belko. Ayon sa boses ay inuutusan nito ang mga empleyadong pumatay ng dalawa mula sa kanilang katrabaho. Kung sakali mang hindi nila ito nagawa sa inilaang oras ay haharap sila sa isang matinding consequence.

Ang ilan ay natakot. Ang iba naman ay tinawanan lang ito. May ilang nagsubok na tumakas subalit mabilis na napalibutan ang buong gusali ng makapal na bakal. Saka lang sineryoso ng mga empleyado ng Belko ang ang kaganapan nang ilan sa kanilang mga katrabaho ay nagsimulang mamatay ng walang kadahilanan.

"Office Space meets Battle Royale." Ito ang tagline ng pelikula at ito mismo ang literal na mapapanood mo sa The Belko Experiment. Madugo, brutal, mabigat sa dibdib, nakakagimbal. Kung mahina ang puso mo sa mga ganitong klaseng palabas ay tiyak na hindi ka tatagal sa panonood nito.

It's every man for himself ang tema ng pelikula kung saan ay maiipit ang mga karakter sa desisyon kung gagawa ba sila ng masama o isasakripisyo na lang nila ang kanilang buhay para sa sariling moralidad. Ilalabas ng pelikula ang masamang parte ng bawat isa na kung ikaw ang tatayo sa kanilang sapatos ay mapapatanong ka rin kung susunod ka ba o magpapaka-santo kahit na sa iisang direksyon lang din naman ito tutungo.

Nakaka-stress ang kuwento pero ito ang panghook ng pelikula para makuha ang atensyon ng manonood. Patatakbuhin nito ang puso mo sa bawat eksena lalo na't sunud-sunod mong matutunghayan ang pagkamatay ng mga karakter na bagamat kaunti lang ang exposure ay mabilis nilang nagawan ng sariling identity na sapat na upang maalala sila ng manonood at maapektuhan sa kanilang pagkawala.

Hindi ko alam kung masama rin ba akong tao pero nainis ako sa bida dahil masyado siyang nagpapaka-hero. Dahil din siguro may malaking kapalit ang pagiging mabait nito. Mabuti na lang at na-redeem niya ang sarili sa dulo at bibigyan tayo ng kasiya-siyang paghihiganti.

Ang masasabi ko lang ay napaka-sadista ng mga taong gumawa ng pelikulang ito pero nagustuhan ko ang konsepto ng pelikula lalo na't paborito ko rin ang Battle Royale. Ang isang isyu ko lang dito ay questionable ang plot angle nito kung saan ay tinurukan sila ng tracking device sa ulo na kung ikukumpara mo sa realidad ay mahirap paniwalaang pumayag silang lahat, kung bakuna na nga lang ay kinakatakutan pa ng ilan.



Poster courtesy of IMP Awards.


No comments:

Post a Comment