★★★★★★★★ ☆☆
Starring: Gerard Butler, Morena Baccarin, Roger Dale Floyd
Genre: Drama, Thriller
Runtime: 1 hour, 59 minutes
Director: Ric Roman Waugh
Writer: Chris Sparling
Production: STX Films, Anton, Thunder Road Pictures
Country: USA
Ang Greenland ay kuwento ng isang pamilya na napili ng gobyerno para sa emergency sheltering na matatagpuan sa Greenland. Ito'y matapos mapag-alaman na ang inaasahan nilang kometa na dadapo sa Earth ay isa palang mapinsalang meteor na maaaring ubusin ang anumang nilalang namumuhay sa ibabaw ng planeta.
Sinuwerte man ay hindi naging madali ang pakikipagsapalaran nila John (Gerard Butler), Allison (Morena Baccarin) at Nathan Garrity (Roger Dale Floyd) para marating ang ninanais na kanlungan. Isa sa mga naging problema ng pamilya Garrity ay ang sakit ng kanilang anak. Maliban dito ay mahihiwalay din ang padre de pamilya mula sa mag-ina dahilan upang maantala ang kanilang kaligtasan.
Sa loob ng 48 hours ay kinakailangan ngayong hanapin ni John ang kaniyang mag-ina, ilipad sila sa nakatakdang emergency sheltering kalaban ang mga taong tulad nila'y nais lang din na makaligtas mula nagbabadyang kamatayan.
Ang unang pumasok sa isipan ko habang pinapanood ang pelikula ay ang kaparehong disaster movie na The Impossible. Hindi sila magkapareho ng quality at feels pero may pagkakahalintulad ang dalawa pagdating sa survival ng pamilya at sa pagkakahiwa-hiwalay nila.
Ang nagustuhan ko dito ay ipaparamdam nito sa manonood ang takot ng pagkagunaw ng mundo, ang pagkamatay ng bawat nilalang sa mundo, ang pagiging helpless kapag dumating na ang sinasabi nilang end of the world. Damang-dama mo 'yung thrill mula sa simula hanggang sa dulo dahil para ka na ring parte ng pelikula.
Kakaiba rin ang naging atake ng storyline ng Greenland dahil wala dito ang mga tipikal na disaster movie cliches. May ilan kang mapapanood pero parte na siguro talaga ito ng ugali ng mga tao pagdating sa pre-apocalyptic state tulad ng looting, etc.
Sa kabila ng pagiging disastrous ng tema ng pelikula ay natuwa ako na ipinakita nito ang humility ng mga tao. Karamihan kasi sa mga apocalyptic movies ay mas nabibigyang pansin ang mga hindi magagandang ugali ng tao tulad ng agawan ng kapangyarihan, pagiging maksarili at iba pa. Dito sa palabas ay matutunghayan natin ang mga kabutihang asal na natitira sa sangkatauhan sa kabila ng pagharap nila sa kamatayan. May iba pa rin namang masasamang loob na isinama rito para sa mas realistic na approach pero mas bumida dito ang kabutihan ng bawat isa. Nagustuhan ko rin na ang militar ay may kuwenta, may simpatya sa mga tao at higit sa lahat ay may kababaang-loob.
Masarap itong panoorin dahil may conflict kahit na walang kontrabida. May thrill pero hindi ka mai-stress. May saysay ang mga pangyayari dahil sa paggamit nila ng human error sa pagbuo ng dilema ng mga bida na relatable para sa mga manonood.
Poster courtesy of IMP Awards.
No comments:
Post a Comment