Search a Movie

Thursday, January 28, 2021

Magikland (2020)

6 stars of 10
★★★★★★ ☆☆☆☆

Starring: Miggs Cuaderno, Elijah Alejo, Princess Rabara, Josh Eugenio
Genre: Action, Adventure, Fantasy
Runtime: 1 hour, 47 minutes

Director: Christian Acuña
Writer: Rod Marmol, Pat Apura
Production: Brightlight Productions, Gallaga Reyes Films
Country: Philippines


Nasa panganib ngayon ang buong Magikland matapos sakupin ni Mogrodo-Or (Jaime Zabate) ang mahiwagang lugar. Ang tanging pag-asa na lamang ng mga tagarito ay ang humingi ng tulong mula sa ibang mundo upang maibalik ang dati nilang tahimik na daigdig.

Samantala, sa mundo ng mga tao, ang Magikland ay isang sikat na mobile game. Ito ngayon ang kinaaadikan ng mga kabataan lalung-lalo na si Boy (Miggs Cuaderno) na kasalukuyang numero unong player sa naturang laro. Sumunod sa kaniya si Kit (Princess Rabara) at ang kapatid nitong si Mara (Elijah Alejo). Sa kabilang banda, ang ikaapat na pinakamalakas na manlalaro ay mapupunta kay Pat (Josh Eugenio) matapos nitong mapasakamay ang isang nakaw na cellphone.

Sa gabi bago ipagdiwang ang Kapaskuhan ay magkakadaupang-palad ang apat na manlalaro na silang napiling humarap kay Modrodo-Or at iligtas ang Magikland. Mapapadpad sila sa mundo ng naturang laro at makikipagsapalaran upang maibalik ang kapayapaan sa Magikland.

Umangat ang graphics ng Magikland kung ikukumpara natin ito sa "standards" ng Filipino entertainment. Kitang-kita ang ginawa nilang effort dito upang maging magical ang pelikula at makapagbigay ng maayos na visual effects. Manghang-mangha ako sa dragon na halata pa rin namang CGI pero naglevel-up na ang pagkakagawa. Hindi pa ganoon kapulido pero papunta na tayo doon. Nagustuhan ko rin ang costumes, na may pagkakahawig sa Encantadia, ang set at ang malikhaing mundo ng Magikland.

Pagdating sa kuwento, okay naman ang ginawang pakikipagsapalaran ng apat na bida. Ang problema nga lang ay ang execution nito. Magulo ang directing na ginawa ni Christian Acuña. Hindi ko ramdam ang koneksyon ng mga eksena. Dinadala agad tayo sa point A papuntang point B at hindi na nila nilagyan pa ng pampagana ang naging paglalakbay ng mga karakter na siya sanang bubuo sa kanilang mga personalidad nang sa gayon, kahit papaano ay magkaroon sila ng koneksyon sa manonood.

Para silang nagmamadali. Masyadong mabilis na natatapos ang mga misyon at nakukuha lang nila ito ng walang kahirap-hirap. Nalulutas ng mga bida ang problema sa pamamagitan ng swerte at coincidences kaya nababawasan ito ng thrill. Wala ding matinong action scenes maliban sa final battle ng mga bida laban sa kontrabida. Masasabi ko na epic ang naging climax nito dahil bibigyan tayo ng parehong aksyon at mahika na siyang hinahanap sa simula pa lang.

Overall ay hindi ka mabibigo pagdating sa visual effects. Kagigiliwan ito tiyak ng mga bata. Kinulang nga lang ito ng ganap sa kuwento. Sakto lang ang aktingan pero dahil siguro ito sa corny na linyahan. Pasado na ito bilang pelikulang pambata. Maraming maituturong magagandang asal, below average nga lang ito para sa aking libro.



Poster courtesy of IMDb.


No comments:

Post a Comment