Search a Movie

Tuesday, June 18, 2024

Society of the Snow (2023)

9 stars of 10
★★★★★★★★ 

Starring: Enzo Vogrincic, Matías Recalt, Agustín Pardella, Tomas Wolf
Genre: Biography, Drama
Runtime: 2 hours, 24 minutes

Director: J. A. Bayona
Writer: J. A. Bayona, Bernat Vilaplana, Jaime Marques, Nicolás Casariego, Pablo Vierci (book)
Production: Misión de Audaces Films, El Arriero Films, Netflix
Country: Spain, USA


Isang eroplano sakay ang mga kabataang miyembro ng rugby team ang masasadsad sa malamig na bulubundukin ng Andes. Ang iilang pasahero na nakaligtas sa naturang plane crash ay haharap ngayon sa isang mapanghamong kalikasan para iligtas ang kanilang buhay.

Habang nanonood, kinailangan ko itong sabayan ng research para malaman ko kung sino ang sino dahil maraming taong involved sa palabas na ito. Sa simula pa lang ng pelikula ay damang-dama mo na ang paghihirap nila. Mapapaisip ka talaga bilang manonood na kapag ikaw ang nasa sitwasyon nila ay mas pipiliin mo na lang ang mamatay kesa magdusa ng ganoon kahaba. Kada araw ay palala nang palala ang sitwasyon nila sa puntong nakakalagot ng hininga ang mga problemang sunud-sunod na dumarating sa grupo ng mga survivors.

Dahil hango ito sa totoong buhay, kapuri-puri ang pagbibigay nila ng respeto sa bawat tao na nakasama sa naturang trahedya. Lahat ay nagkaroon ng oras para mabigyan ng galang ang kanilang pagkamatay kahit na hindi sila ang bida sa palabas. Hindi rin nakalampas sa 'kin ang contrast ng magandang tanawin at puting nyebe sa mga bidang mala-impyerno ang pinagdadaanan. Patunay lang na minsan ay napaka-ironic ng buhay.

Hands down ako sa make-up at hairstyling ng palabas dahil naging makatotohanan ang mga tagpo dahil dito. Habang patagal nang patagal ang pelikula ay makikita sa bawat karakter ang hirap na pinagdaanan nila. Mula sa madungis na balat, mga sugat, makakapal na bigote't balabas, maduming ngipin at magulong itsura, lahat ay naging maayos ang pagkakadetalye. Maganda rin ang pagkakakuwento ng mga pangyayari. Lahat ay susuportahan mo at wala kang taong kaiinisan dahil lahat sila'y may pinanggagalingan.

Sobrang heartbreaking ng pelikulang ito pero ang Society of Snow ang magpapatunay na walang imposible kapag ang bawat isa'y magpupursigi, magtutulungan at patuloy na ipaglalaban ang buhay nating hiram. Wala na 'kong ibang masabi kundi tanging goosebumps ang naramdaman ko noong natapos ang pelikula. Napakaganda ng mga katagang binigkas sa dulo nito na binigyang diin ang trauma na pinagdaanan ng mga taong nakaligtas.


© Misión de Audaces Films, El Arriero Films, Netflix

No comments:

Post a Comment